Pagkatapos mong magkasakit ng COVID-19 | After you have had COVID-19

Pagkatapos mong gumaling sa COVID-19 at hindi ka na nakabukod, may ilang mga bagay na dapat mong gawin at tandaan sa iyong paggaling.

Pagbalik sa mga normal na aktibidad

Sa paggaling mo sa COVID-19, maaaring mapuna mong madali kang mapagod o mangapos ang iyong hininga. Karaniwan ito matapos magkasakit.

Dapat kang magdahan-dahan sa pagbalik mo sa iyong mga normal na aktibidad. Tiyaking ikaw ay:

  • natutulog nang husto
  • kumakaing mabuti
  • nagpapahinga kung kailangan
  • nagdadahan-dahan sa iyong ginagawa.

Kung ikaw ay may anumang mga alalahanin, dapat kang makipag-usap sa iyong doktor o sa propesyonal ng pangkalusugang pangangalaga.

Pagbalik sa trabaho

Kung masama pa rin ang iyong pakiramdam makaraang makumpleto mo ang 5 araw ng inirekomendang pagbukod, inirerekomenda namin na ikaw ay manatili sa bahay hanggang sa ikaw ay gumaling.

Ang ilang mga tao ay maaaring magpositibo sa COVID-19 matapos silang gumaling at wala nang mga sintomas, ngunit malamang na hindi ka makakahawa makaraan ang 10 araw mula sa Day 0, ang araw kung kailan nagsimula ang iyong mga sintomas o kung kailan ka nagpositibo, alinman ang nauna.

Dapat kang makipag-usap sa iyong manedyer o superbisor kung kailan ka naaangkop makabalik sa trabaho. Ang iyong tagapag-empleyo ay maaaring mangailangan ng karagdagang pag-iingat.

Pagbalik sa paaralan

Kung ikaw o ang iyong anak ay masama pa rin ang pakiramdam makaraang makumpleto ninyo ang 5 araw ng inirekomendang pagbukod, inirerekomenda namin na manatili kayo sa bahay hanggang sa ikaw, o ang iyong anak, ay gumaling.

Nalalapat lamang ito sa early leaning, mga paaralan, kura at edukasyon sa kolehiyo o pamantasan.

Hindi mo kailangang magpakita ng ebidensya ng negatibong RAT o PCR para makabalik sa paaralan.

Dapat mong talakayin sa punong-guro ng paaralan ang pagbalik sa paaralan dahil maaaring mangailangan siya ng karagdagang pag-iingat.

Kung masama pa rin ang pakiramdam ng isang bata o lumalala ang kanyang mga sintomas makaraan ang 10 araw, hindi siya dapat bumalik sa paaralan. Dapat kang makipag-usap sa iyong doktor o tumawag sa Healthline sa 0800 358 5453.

Pag-ehersisyong muli

Kapag ikaw ay nagkasakit at hindi masyadong nag-ehersisyo o kumilos , kailangan ng iyong katawan ng panahon para makabalik sa mga antas ng iyong mga normal na pag-ehersisyo.

Ang iyong doktor o propesyonal ng pangkalusugang pangangalaga ay maaaring magbigay ng karagdagang payo kung paano babalik sa pag-ehersisyo para sa iyong sitwasyon. Maaari kang makahanap ng karagdagang impormasyon sa website ng Healthify tungkol sa pag-ehersisyong muli.

Pagbalik sa pisikal na aktibidad at ehersisyo makaraang magkaroon ng COVID-19 | Healthify (external link)

Paglinis at pag-disimpekta ng iyong bahay

Kadalasang kumakalat ang COVID-19 sa pamamagitan ng malapitang contact sa isang nahawahang tao kapag siya ay umuubo o bumabahing. Bagama't hindi malamang mangyari, maaari ka ring mahawahan kung hinawakan mo ang isang bagay o ibabaw na kontaminado, pagkatapos ay hinipo mo ang iyong bibig, ilong o mga mata.

Maaaring mabuhay ang virus sa mga ibabaw ng bagay sa loob ng maikling panahon. Ngunit mayroon itong marupok na panlabas na lamad (membrane) na ginagawang madali itong puksain sa pamamagitan ng epektibong paglilinis at pag-disimpekta.

Kung saan may nakumpirmang kaso ng COVID-19 sa loob ng isang bahay sa loob ng nakaraang 24 na oras, mas malamang na matatagpuan ang virus sa ibabaw ng mga bagay. Dapat linisin at disimpektahin ang lahat ng ibabaw ng mga bagay. 

Paano ang paglinis at pag-disimpekta ng iyong bahay

Maaari kang gumamit ng regular na mga produktong panlinis sa bahay katulad ng mga detergent o bleach para linisin ang iyong bahay. Linisin muna ang ibabaw ng mga bagay gamit ang detergent, pagkatapos ay gamitin ang pang-disimpekta. Maaari kang mag-vacuum gaya ng dati.

Tiyaking ikaw ay:

  • may suot na guwantes kapag naglilinis upang protektahan ang iyong mga kamay sa mga kemikal at kapag tapos ka na, hugasan o itapon ang mga guwantes
  • sundin ang mga pangkaligtasang tagubilin na nasa etiketa ng produkto
  • mag-disimpekta ng madalas hawakang mga ibabaw ng mga bagay tulad ng mga hawakan ng pinto, switch ng ilaw at mga remote control
  • buksan ang mga bintana para magkaroon ng bentilasyon hangga't maaari
  • hugasan ang mga plato na iyong ginamit habang nakabukod — gumamit ng mainit na tubig at detergent o ilagay ang mga ito sa dishwasher
  • linisin ang mga basahan at mop matapos mong gamitin ang mga ito
  • itapon ang lahat ng basura kabilang ang nagamit na tissue at mask
  • labhan ang mga damit at kumot, huwag ipagpag ang mga ito upang mabawasan ang posibilidad ng pagkalat ng virus sa hangin
  • simulang linisin ang mas mataas na mga ibabaw at sundan ito ng mga nasa ibaba para ang anumang mga alikabok o dumi na babagsak sa lupa ay matatangay
  • linisin muna ang mga ibabaw na hindi madalas hinahawakan
  • iwasang pumasok sa nalinis nang kuwarto kung galing ka sa isang kuwarto na hindi pa nalinisan para mahadlangan ang paglipat-lipat ng kontaminasyon
  • hugasan at patuyuin ang iyong mga kamay pagkatapos mong maglinis.

Ano ang dapat gawin sa mga basura sa bahay

Dapat mong ilagay ang mga kontaminadong mga basura gaya ng mga tissue o wet wipes sa isang hiwalay na naitatali o naisasarang bag. Ang bag na ito ay ilalagay sa pangkalahatang bag o bin para sa basura ng bahay.

Kung wala kayong serbisyo sa gilid ng kalsada, inirerekomenda pa rin namin ang paglalagay ng lahat ng impektadong basura sa isang hiwalay na naitatali o naisasarang bag. Ang bag na ito ay mailalagay sa pangkalahatang bag para sa basura ng bahay. Tingnan sa website ng inyong lokal na konseho ang karagdagang patnubay tungkol sa mga opsyon para sa pagtatapon sa inyong pook.

Kung magkaroon ka ng mga bagong sintomas ng COVID-19

Para sa karamihan ng mga tao, ang pagkakaroong muli ng COVID-19 ay hindi malamang na maging mas malala kaysa sa naunang mga impeksyon. Subali't maaari kang makaranas ng ibang mga sintomas. Sa tuwing ikaw ay magkaka-COVID-19, pinalalaki nito ang panganib ng pagkakaroon ng long COVID at iba pang mga isyung medikal.

Kung ikaw ay muling magkaroon ng COVID-19, makakakuha ka ng kaparehong payo, tulong at suporta na maaari mong tanggapin para sa bagong impeksyon ng COVID-19.

28 araw o mas kaunti mula noong huling impeksyon:

Kung ikaw ay magkaroong muli ng mga sintomas ng COVID-19 at 28 araw o mas kaunti pa mula noong huli mong impeksyon:

Kung ikaw ay nasa mababang panganib na magkaroon ng malubhang sakit, hindi mo kailangang magsagawa ng isa pang RAT

inirerekomenda namin na manatili ka sa bahay hanggang sa ikaw ay gumaling. Kung ikaw ay may umiiral na kondisyong medikal o may mga lumalalang sintomas na tila COVID-19, dapat kang kumuha ng payo mula sa isang praktisyoner ng kalusugan o sa Healthline sa 0800 358 5453.

29 na araw o mahigit pa mula noong huling impeksyon

Kung ikaw ay magkaroong muli ng mga sintomas ng COVID-19, at mahigit nang 29 na araw o mahigit pa mula noong pinakahuli mong impeksyon, dapat kang magsagawa ng RAT.

Kung positibo ito, dapat kang manatili sa bahay at sundin ang payong kapareho sa una mong impeksyon. Inirerekomenda namin na magbukod ka sa loob man lamang ng 5 araw, at sundin ang payo para sa mga tao na may COVID-19.

Magsagawa ng pagsusuri para sa COVID-19

Kung ikaw ay may COVID-19

Kung negatibo ang iyong pagsusuri:

  • maaaring para sa ibang sakit ang iyong mga sintomas, gaya ng sipon o trangkaso
  • at patuloy ang iyong mga sintomas, dapat mong ulitin ang RAT makaraan ang 48 oras
  • Kung negatibo pa rin ang iyong resulta, manatili sa bahay hanggang sa gumaling ka.

Ang ating nalalaman tungkol sa muling pagkakaroon ng impeksyon (reinfection)

Ang reinfection ay kapag muli kang nagka-COVID-19, makaraan ang huling impeksyon, anuman ang anyo ng virus (variant).

Ikaw ay mas malamang na muling magkaroon ng impeksyon dahil ang pagtugon ng iyong naturalesa sa bakuna, o sa huli mong impeksyon ng COVID-19, ay humihina sa paglipas ng panahon.

Hindi malinaw kung gaano pangkaraniwan na ang muling pagkakaroon ng COVID-19. Ngunit ang muling pagkakaroon ng impeksyon ay malamang maging mas pangkaraniwan dahilan sa pagkalat ng mga bagong variant at subvariant.

Kung ang isang kasambahay mo ay magkaroon ng COVID-19

Kung ikaw ay nagka-COVID-19 sa loob ng nakaraang 28 araw, at nagpositibo ang isang tao sa sambahayan mo, ikaw ay hindi ituturing na Sambahayang Contact at hindi mo kailangan magsagawa ng pagsusuri.

Kung nakaraan na ang 29 na araw o mahigit pa mula nang ikaw ay magka-COVID-19 at nagpositibo ang isang tao sa iyong sambahayan, kung gayon, dapat kang magsagawa ng arawang pagsusuri sa loob ng 5 araw.

Matagal na COVID (Long COVID)

Inilalarawan ng long COVID ang mga sintomas na nagpapatuloy o nagsisimula makaraan ang naunang mga sintomas ng COVID-19. Karaniwan, ito ay mas matagal kaysa sa 12 linggo matapos unang magkaroon ng impeksyon ang isang tao.

Karamihan sa mga taong nagka-COVID-19 ay gumagaling mula sa malubhang mga palatandaan at sintomas sa loob ng 2 hanggang 4 na linggo. At makaraan ang 12 linggo, sila ay dapat makabalik na sa lahat ng mga aktibidad na kanilang ginagawa bago nagka-COVID-19. Gayunpaman, ilang mga tao ang nag-ulat ng ilang mga sintomas na lampas pa sa karaniwang panahon ng paggaling.

Ang mga sintomas ng long COVID ay maaaring magtagal ng mga linggo o buwan kung minsan. Para sa suporta sa pamamahala at paggamot ng long COVID, humingi ng tulong sa iyong doktor o pangkat ng pangkalusugang pangangalaga.

Matagal na COVID (Long COVID)

Magpanatili ng malusog na mga gawi

Kahit ikaw ay nagka-COVID-19 o nabakunahan na, kailangan mo pa ring ipagpatuloy ang mga malusog na gawi. Posible pa rin na muli kang magka-COVID-19.

Magpanatili ng malusog na mga gawi

Manatilling up to date sa iyong mga pagbabakuna

Ang pagkakaroon ng COVID-19 ay hindi nagbibigay ng kaparehong antas ng imyunidad gaya ng pagbabakuna. Alam din namin na ang iyong proteksyon mula sa pangunahing kurso ng bakuna ay hihina sa paglipas ng panahon.

Upang panatilihing mataas ang iyong mga antas ng kaligtasan sa sakit, manatiling napapanahon sa iyong mga pagbabakuna — kabilang ang mga booster. Babawasan nito ang iyong mga tsansang magkasakit nang malubha mula sa COVID-19 at mapaospital.

Dapat kang maghintay ng 6 na buwan makaraang magpositibo bago magpabakuna laban sa COVID-19.

Magpabakuna laban sa COVID-19

Last updated: at